Friday, January 27, 2012

A NEW SPECIE: HINDI tao, hindi HAYOP!

PINAGI-INHIBIT o hiniling ng prosekusyon na magkusa na tumiwalag si Sen. Frank Drilon sa isinasagawang impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona.
Siyempre, alam na ng marami ang sagot ng kaalyado ni PNoy na si Drilon.
Pero, sa totoo lang, tanging si Drilon lang ang makakasagot ng naturang isyu.
Sa aktuwal hindi talaga siya sa magbibitiw sa simpleng akusasyon na MAY KINAKAMPIHAN siya.
Kung magsusuri, hindi lang talaga si Drilon ang mahihinuhang MAY PINAPABORAN—sa magkabilang panig kundi maging ang iba pang senador.
Unfair yan.
Unfair dahil may “karapatan siyang maging UNFAIR” tulad din ng iba pang senador.
Kapag nagbitiw si Drilon, aba’y marami rin tiyak ang dapat magbitiw kasi’y mahaba pa ang pagdinig kung saan Article No.2 pa lamang ang pinag-uusapan.
Ang problema ay hindi ang pagiging “UNFAIR” ni Drilon kundi ang pagiging “UNFAIR ng mismong proseso” na tanging IDINIDIKTA lang ni Senate President Juan Ponce Enrile na umaaktong PRESIDING JUDGE o presiding juror.
Nagkaroon ng lisensiya o “prangkisa” si Enrile sa paglalatag ng PROSESO sa katwirang “isang kakaibang hukuman” ang tinatawag nilang Impeachment Court.
Sa legalidad, mas nahahawig ito sa BENCH TRIAL pero hindi naman lahat ng SENADOR—ay bihasang abogado o huwes sapagkat—HINDI SILA PUWEDENG I-OBJECT o kuwestiyunin na aktuwal na MGA HARI NG PAGLILITIS.
Pero ang ibang senador na hindi abogado ay hindi kuwalipikado sa isang BENCH TRIAL sapagkat kapos sila ng karanasan at kaalaman sa court proceedings kaya’t mas ANGKOP sila sa isang GRAND JURY—pero ayaw naman nila na “magpatawag” na JUROR.
Sa isang GRAND JURY, kapag may isang “juror” na pinagdududahan ay awtomatikong tinatanggal o nagkukusa na umalis “mula sa panel ng mga huhusga” –na malabong maganap sa impeachment trial.
Sa teknikal, mas angkop ang terminong IMPEACHMENT BODY—ang grupo ng mga senador na naatasan ng Konstitusyon na mangasiwa sa impeachment proceedings, hindi “traditional court” na nakasanayan natin sa Pilipinas at “hindi rin traditional jury” tulad sa ibang bansa.
Dahil sa malabong “postura, porma at hilatsa” ng impeachment body, madalas na nabubugnot, hindi lang si Sen. Miriam kundi maging si Sen. Enrile kaya’t hindi maiiwasan ang manghula ang iba:
HINDI matatapos ang impeachment proceedings dahil sa aktuwal, ibang klaseng “SPECIE” ito sa balat ng lupa.
Kumbaga, hindi ito isang HAYOP, pero hindi rin isang TAO!
----30----

Tuesday, July 27, 2010

Makakapag-asawa pa ba?

Dear David,
BAKIT kaya walang nobyo na nagtatagal sa akin. Pinakamatagal na ang anim na buwan? Nahihirapan na ako at naiinggit ako sa mga barkada ko na lagging may partner at masaya sila. Makakapag-asawa pa ba ako? Ipinanganak ako noong Nobyembre 7, 1975. Ano ba ang mahihiwagang numero na bumabalot sa aking buhay? Bigyan mo ako ng gabay sa pagtatagumpay. Ano ba ang masusuwerte kong taon, buwan at petsa? Bigyan mo rin ako ng buwenas na kulay at numero na puwedeng tayaan sa suertes at lotto.

MARITESS NG CAGAYAN DE ORO CITY

Dear Maritess,
NUMBER seven (7) at four (4) ang mahihiwagang numero na bumabalot sa iyong buhay. Nakasandal sa tulong ng ibang tao ang iyong pag-unlad. Mahalagang maging maunawain, matulungin, mapagpatawad ka sa mga taong nagkakasala sa iyo. Sa ban dang huli, sila rin mismo ang tutulong sa iyo. Ang tunay na kayamanan mo ay ang mga taong nasa paligid mo—iaangat ka nila tungo sa pagtatagumpay. Kapag binalewala mo sila, sila rin ang magpapabagsak sa iyo. Buntala ng Neptune at Uranus ang kumukontrol sa iyong pagkatao. Matalas ang iyong imahinasyon at walang hanggahan ang iyong ideya at talino—linangin mo ito at gamitin sa negosyo. May kakaiba kang buwenas na makukuha sa pagsapit ng mapalad mong taong 2011 at 2014 kung saan matutupad ang marami mong pangarap. Buwenas ka sa mga buwan ng Enero, Hunyo at Disyembre lalo na sa mga petsang 2, 8, 11, 18, 23, 26 at 30 partikular kapag natapat sa araw ng Martes at Biyernes. Kulay berde at dilaw ang buwenas mo. Sa suertres, isama mo sa No. 7 at No. 4 ang No.1. Sa lotto, pumulot ka sa mga sumusunod:2-6-11-18-23-26-34-37-40-42. ASSET tips: 4-7-2/ 5-6-1/ 8-2-6. Wiretips: 5-7-9/ 2-4-8/ 1-3-2. Double digit; 5-8/ 2-4/ 6-0/ Luzon guide: 2-7-11-18-22-28-34-36-40-42. VisMin: 3-7-11-19-23-28-34-37-40-42. MegaLotto: 2-6-11-19-23-27-34-36-40-42. Four Number: 4-3-7-8/ 2-6-2-4/ 8-2-4-2.

-------30—

Monday, July 26, 2010

GOOD DAY!!! Gusto mo bang makatikim ng buwenas??

This blog is dedicated to all my readers in Bandera newspaper's daily column's GALAW NG NUMERO.

Oppkors, puwede rin kayong magpahula. Regular kong ipo-post mula ngayon ang mga prediksiyon, payo at iba pang reaksiyon na hinihiling ng ating mga tagasubaybay. Malaya rin kayong humingi ng payo. Ang nilalaman ng blog na ito ay mula sa mahigit 25 taong karanasan sa pagbabasa ng mga mistikong simbolo sa buhay ng tao. Pero, sa kolum na ito, nakapokus tayo sa hiwaga ng numero na bumabalot sa buhay ng bawat nilalang. Gayunman, hahaluan natin ito ng pambihirang karunungan na may kaugnayan sa astrolohiya, palmistry, oriental zodiacs, psychology, physiognomy, tarot cards at iba pang mistikong kaalaman sa buhay ng bawat nilalang,. Ilalabas natin dito ang mga sagot mula sa kalatas na ipinadala ng mga suki natin sa Bandera newspaper na No.1 diyaryo sa Visayas at Mindanao. Naglalaman din ito ng mga buwenas na numero at kulay sa buhay ng tao. maraming salamat po.